Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11549 o ang batas na nagbababa sa minimum height requirement ng mga aplikante ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Corrections (BuCor).
Sa ilalim ng batas, mula sa kasalukuyang 1.62 meters para sa mga lalaking aplikante, ibinaba na ang minimum height requirement sa 1.57 meter.
Mula naman sa kasalukuyang 1.57 meters na minimum height para sa mga babaeng aplikante, ibinaba na ito sa 1.52 meters.
Ang PNP, BFP, BJMP, at BuCor ang babalangkas ng Implementing Rules and Regulations para dito.
Pirmado ni Pangulong Duterte ang batas na ito, ika-26 ng Mayo, 2021 at magiging epektibo 15 araw matapos na mailathala sa mga pahayagan.