Batas na nagbibigay ng tax incentives sa mga abogadong libre ang serbisyo sa mahihirap, dapat ipatupad na

Hiniling ni Senator Lito Lapid sa Bureau of Internal Revenue o BIR na ipatupad na ang batas ukol sa pagbibigay ng tax incentives sa mga abogado na nagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga mahihirap na kliyente.

Sa sulat na ipinadala ni Lapid kay BIR Commissioner Lilia Guillermo ay kaniyang binigyang diin na 12 taon na mula nang maisabatas ang kaniyang iniakda na Republic Act 9999 o Free Legal Assistance Law.

Dismayado si Lapid na taong 2010 o panahon pa ni dating Pangulong Gloria Arroyo ito naging ganap na batas pero hanggang ngayon ay hindi pa naipatutupad dahil hindi pa gumagawa ang BIR ng implementing rules and regulations.


Binanggit ni Lapid na nakasaad sa batas na dapat nagkaroon na ito ng IRR sa loob ng 90 araw mula nang ito ay maging epektibo pero hindi nangyari.

Diin ni Lapid, layunin ng batas na makapagbigay ng libreng serbisyong legal sa ating mga kababayan na lubos na nangangailangan nito kaya mahalagang maipatupad ito sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments