Ikinalugod ng Department of Education (DepEd) ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11480 na pinapayagan ang paglipat ng pagbubukas ng klase lagpas sa Agosto sa panahon ng pambansang sakuna.
Pinasalamatan ni Education Secretary Leonor Briones si Pangulong Duterte sa pagsasabatas ng RA 11480 na siyang nag-aamiyenda sa RA 7797 o “An Act to Lengthen the School Calendar from Two Hundred (200) Days to Not More Than Two Hundred Twenty (220) Class Days.”
Sinabi ni Briones na kinonsulta sila ng Pangulo at ng mga mambabatas sa kabuuan ng proseso.
Nakatakda silang maglabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa lalong madaling panahon.
Nagpapasalamat din ang kagawaran sa mga senador at kongresista sa mabilis na pagbasa sa batas.
Gayumpaman, nanindigan ang DepEd na mananatili sa August 24 ang school opening para sa school year 2020-2021.