Batas sa mandatory vaccination ng mga bata, nais palawakin ng isang senador

Ihahain ni Senador Francis Tolentino ang isang panukalang batas na magpapalawak sa mga edad na sakop ng mandatory basic immunization sa mga sanggol at bata sa ilalim ng Republic Act No. 10152 ang Mandatory Infants and Children Health Immunization Act.

Sa kasalukuyan ay mga sanggol na 6 buwang gulang hanggang mga batang 5 taong gulang lamang ang saklaw ng batas na mabakunahan laban sa iba’t ibang sakit tulad ng diphtheria, tetanus at pertussis, polio, tigdas, beke, Hepatitis-B at influenza.

Binanggit ni Tolentino na nakapaloob din sa nasabing batas na may kapangyarihan ang kalihim ng Department of Health (DOH) na mag-isyu ng Department circular para dagdagan ang ibibigay na bakuna.


Sa kanyang panukala ay nais ni Tolentino na i-angat hanggang 11 taong gulang ang age bracket ng mga batang sasailalim sa mandatory vaccination drive.

Paliwanag ni Tolentino, makatutulong ito hindi lamang sa ginagawa ngayong pediatric vaccination program ng pamahalaan laban sa COVID-19, kundi upang maiwasan din ang kalituhan sa patakarang pangkalusugan na posible pang humantong sa korte.

Facebook Comments