Pinare-review ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang batayan ng poverty threshold sa bansa.
Tinawag ni Pimentel na hindi makatotohanan at imaginary world ang itinatakdang minimum level ng kita para sa mga pamilyang sinasabing kabilang sa poverty threshold.
Sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado, sinabi ni NEDA Secretary Artemio Balisacan na ang standard na kita para sa isang pamilyang may limang myembro ay nasa P12,000 kada buwan.
Ibig sabihin, kapag mas mababa pa sa P12,000 ang kita kada buwan ng isang pamilya ay nabubuhay ang mga ito sa below poverty limit.
Pero ayon kay Pimentel, napakababa nito at wala pa nga sa minimum wage ang P12,000 na standard na pamumuhay ng isang pamilya.
Dahil dito, umapela si Pimentel sa mga economic managers na magsagawa ng pagrepaso sa buong proseso at magtakda ng makatotohanang poverty line at i-assess ng wasto ang poverty incidence rate sa bansa.