Marami ang nalungkot sa retirement announcement mula sa pag-arte ng isa sa award-winning actress ng bansa na si Jaclyn Jose.
Inanunsyo ni Jaclyn ang kanyang pagreretiro sa isang simpleng pamamaalam sa kanyang Facebook at Instagram page, kalakip ang video ng kaniyang red-carpet moment sa isang Thanksgiving Gala event.
Say ng aktres, masakit ito para sa kaniya pero kailangan niya itong gawin para sa dalawang anak na si Andi at Gwen na ngayon ay magiging top priorities na niya sa buhay.
Nagsimula ang acting career ni Jaclyn noong 1984 at pinatunayan niya na walang malaki o maliit na role para sa isang aktres na punong-puno ng talento dahil nagampanan niya nang buong husay ang lahat ng kaniyang karakter.
Gumawa rin ng kasaysayan si Jaclyn sa Philippine showbiz nang magwagi bilang “Best Actress” sa Cannes Film Festival sa France noong 2016 para sa kaniyang pagganap sa Ma’ Rosa ni Brillante Mendoza, kung saan siya ang kauna-unahang Pilipino na pinagkalooban ng mataas na karangalan sa isang prestihiyosong film festival sa buong mundo.