Batikos ng PNP chief sa mga kritiko ng war on drugs, nauunawaan nina Senators Sotto at Lacson

Manila, Philippines – Bagama’t hindi nagustuhan ay nauunawaan naman nina Senators Tito Sotto III at Panfilo Ping Lacson ang pagtawag na inggrato ni PNP Chief General Bato Dela Rosa sa mga kritiko ng war on drugs.

Naniniwala si Sotto na bagamat masyadong matalim ang salitang inggrato ay nabanggit ito ni Bato dahil pikon na ito sa mga batikos kahit napabuti naman ng PNP ang peace and order situation ng bansa.

Naniniwala din si Sotto na nadidismaya lang si Dela Rosa dahil idinadamay ng mga kritiko ang buong pwersa ng Pambansang Pulisya kahit ilang pulis lang ang tiwali at sangkot sa pagpatay.


Si Senator Lacson, bilang dating hepe ng PNP ay nakaka-relate sa mga himutok ngayon ni Dela Rosa.

Ayon kay Lacson, katulad ni General Bato ay naranasan din niya noon ang pagtatanggol sa buong PNP na palaging nahaharap sa maraming isyu.

Kaugnay nito ay pinayuhan ni Lacson si General Bato na huwag maging sensitibo sa batikos at sa halip ay maging bukas sa mga mungkahi para mapabuti pa ang serbisyo ng PNP.

Facebook Comments