Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na layong magtatag ng bagong paraan ng pagbati bilang bahagi ng public health at safety protocols ngayong COVID-19 pandemic.
Sa botong 212 na pabor, nag-iisang tumutol at nag-abstain, pasado sa Mababang Kapulungan ang House Bill 8149 o Bating Filipino Act.
Kahit bago pa ito itinutulak sa Kamara, sinabi ni Marikina City Representative Bayani Fernando na siyang may-akda ng panukalang batas, ikinakampanya na sa publiko na gamitin ang bagong paraan ng pagbati at paggalang.
Sinabi ni Fernando na dapat iwasan ng mga tao ang pakikipagkamay, ‘high fives’ o apir, fist bump at gawin sa halip ang non-contact Bating Pilipino.
Para kay Fernando, ang Bating Pilipino ay isang mapagkumbaba at magalang na paraan ng pagbati.
Simple lamang gawin ito sa pamamagitan na paglalagay ng kanang kamay sa sentro ng dibdib na sinasabayan ng pagyuko at pagngiti.
Sinabi naman ni Deputy Speaker at Sorsogon Representative Evelina Escudero, ang National Commission for Culture and the Arts ay nagsumite ng position paper bilang suporta sa panukala pero may isang amiyenda – baguhin ang titulo bilang “Bating Pilipino para sa Kalusugan.”