Idinaan sa pagsasagwan ng mga mangingisda na lulan ng bamboo rafts sa idinaos na Rakethon o Raket Marathon ang pagsusulong na gawing tourist destination ang Bauang River sa La Union.
Sa pamamagitan ng Rakethon o Raket Marathon, ipinakita ng mga lokal na mangingisda ang kanilang kahusayan sa pagsasagwan gamit ang bamboo rafts, na umaasang magiging bahagi ng mga aktibidad ng turismo sa lugar.
Ang naturang aktibidad ay nilahukan ng mga mangingisda mula sa 24 coastal at riverside communities ng Bauang. Layunin nitong hikayatin ang mga turista na tangkilikin ang pagsakay sa bamboo raft o balsa, na maaaring maging bagong pagkakakitaan ng mga residente kapag napalago pa ang turismo sa lugar.
Bukod sa Rakethon, ipinamalas din ng mga mangingisda ang tradisyunal na pamamaraan ng pangingisda ng mga Ilokano na tinatawag na “Rama,” kung saan gumagamit sila ng lambat. Ang ganitong paraan ay bahagi ng kanilang kultura at nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng pangangalaga sa kanilang likas na yaman.
Ayon sa Municipal Information and Tourism Office, isa sa mga pangunahing atraksyon ng Bauang River ay ang tanawin ng makasaysayang PNR Bridge, na hindi natapos noong panahon ng Martial Law, at ang tanawing nag-uugnay dito sa West Philippine Sea.
Patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan na idagdag ang Bauang River sa listahan ng mga tourist destinations sa La Union. Kasabay nito, tiniyak nila ang suporta sa mga mangingisda upang mabigyan sila ng karagdagang kabuhayan sa pagpasok ng mas maraming turista sa lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨