Manila, Philippines – Hinikayat ng Mababang Kapulungan ang mga dadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) mamayang hapon na makiisa at sumunod sa ipinatutupad na patakaran ngayon sa Batasan Complex.
Nanawagan si House Sgt. At Arms (Ret.) Lt. Gen. Roland Detabali ng kooperasyon sa mga inimbitahang bisita na dadalo sa SONA na mahigpit na sumunod sa mga ipinatutupad na protocols upang matiyak ang kaligtasaan ng lahat.
Nagpaalala din ang Kamara sa mga bisita na mahigpit na ipapatupad ang “No Invitation/No Seat/No Entry” policy, “No SONA ID/No Entry” gayundin ang “No Car Pass, No Entry” policy.
Samantala, bagaman at may numbered o designated seats para sa mga VIPs at iba pang bisita, mayroon namang ‘free-seating’ sa may third gallery ng plenary hall para sa ibang may imbitasyon at sa media.
Ang Main o South Gate ay exclusive entrance lamang ng mga sasakyan ng mga kongresista, senador, congressional spouses, VIP guests at House at Senate Secretariat officials.
Habang ang North Gate naman ay magsisilbing entrance gate ng mga sasakyan ng ibang bisita, media, mga emergency vehicles, shuttle buses ng Kamara at mga sasakyan na may ‘drop-off pass’.
Mas triple ang higpit ngayon na bagamat may drop of pass ang mga sasakyan, sa north gate pa lamang ng Batasan ay pinapababa ang mga pasahero at dumadaan sa mahigpit na inspeksyon ng Presidential Security Group (PSG) na unang beses na ginawa dito sa Kamara.
Pagpasok ng gusali ay idadaan ang lahat ng mga dalang gamit sa x-ray machine at mayroon ding K-9 units na lumilibot para sa ipinapatupad na mahigpit na seguridad.
Nagkalat na rin ang mga sundalo at pulis sa loob at labas ng Batasan.
Mahigpit naman na ipapatupad na dapat lahat ng bisita ay nasa loob na ng plenary hall, bawal na rin ang mga palakad-lakad, interviews at isasara na rin ang north at south wing sa ganap na alas tres y medya.