Manila, Philippines – Ikinakasa na ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang pagdinig ukol sa High Occupancy Vehicle o HOV traffic scheme na nagbabawal sa EDSA ng mga behikulo na iisa lang ang sakay.
Ang pagdinig ay bilang pagsuporta sa resolusyong inihain ng senate leaders at pinagtibay sa plenaryo na humihiling sa Metro Manila Development Authority o MMDA na ihinto ang pagpapatupad ng HOV traffic scheme.
Punto ni Senator Poe, dapat ay inihanda muna ng MMDA ang mga alternatibong ruta na maaring daanan ng mga motorista na bawal sa EDSA.
Iginiit din ni Senator Poe na makabubuting iprayoridad muna ng MMDA ang pagbabawal ng provincial bus sa EDSA na baka sumapat na bilang solusyon sa masakip na lagay ng trapiko sa EDSA.
Ipinaliwanag pa ni Poe na may mga dahilan ang mga solong nagmamaneho na posibleng solo parent, o kaya ay naghatid ng anak o asawa, o mga nagtatrabaho na hindi kayang kumuha ng driver.