Manila, Philippines – Ikakasa bukas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nationwide crackdown laban sa ride-sharing application na ‘Arcade City’.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada – lumalabag ang Arcade City sa cease-and-desist order kung saan ipinagpapatuloy nito ang operasyon kahit walang accreditation.
Babala ni Lizada, magsisilbing undercover ang mismong law enforcers na gagamit ng Arcade City.
Katwiran ng Arcade City, hindi na kinakailangan ng drivers na kumuha ng prangkisa sa gobyerno para bumiyahe.
Hindi sila nagbibigay ng ‘pre-arranged transportation services for compensation’ na nangangahulugang hindi pasok sa depinisyon ng Transport Network Vehicle Service ng LTFRB.
Binabayaran ng Arcade City ang kanilang drivers at riders sa pamamagitan ng blockchain-based cryptocurrency na “arcade tokens” na maaring gamitin o ibenta para sa serbisyo o bonus sa arcade.