BAWAL NA | Malalabong CCTV sa mga establisyimento sa lungsod, ipagbabawal na

Quezon City – Ito ay matapos na pagtibayin ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang Ordinance number 2695-2018 na magtatakda ng minimum specification sa mga CCTV bilang bahagi ng peace and order drive ng lungsod at makatulong sa imbestigasyon ng mga pulis.

Kabilang sa mga bagong requirement sa CCTV camera ay ang pagkakaroon nito ng hindi bababa 2 megapixels resolution.

Hindi rin dapat bababa sa 720p ang video resolution ng camera at 25 to 30 frames per second recording per camera.


Requirement din sa CCTV camera ang pagkakaroon ng auto iris at infrared LED na may kakayanang kumuha ng malinaw na video footage hanggang 20 metro kahit madilim.

Hindi rin dapat bababa sa 70 degrees ang lens angle ng camera at weatherproof casing para sa mga camerang ilalagay sa labas ng establisyimento.

Kailangan din magkaroon ng hard disk drive na may sapat na kapasidad para mag-save ng video recording hanggang isang buwan.

Hindi rin dapat bababa sa apat na CCTV camera ang ilagay sa establisyimento na ipupwesto sa mga areas of risk and transaction.

Batay sa ordinansa, ang hindi susunod sa mga naturang pabuntunan ay hindi bibigyan ng business permit at hindi rin papayagang makapag-renew.

Habang ang mga establisyimento naman na may paglabag ay pagmumultahin ng P5,000.

Facebook Comments