Manila, Philippines – Pwede na ulit manghuli ng mga pumapasadang Angkas biker ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kasunod ito ng inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema laban sa naunang desisyon ng Mandaluyong RTC Branch 213 na pumipigil sa LTFRB na hulihin ang mga Angkas biker.
Effective immediately ang TRO ng Supreme Court (SC) kaya kahapon, nagsimula nang manghuli ng mga Angkas biker at operator ang LTFRB at iba pang traffic enforcement agency.
Ayon kay Department of Transportation Communications Director Goddess Hope Libiran, kolorum at hindi pwedeng maging Public Utility Vehicle (PUV) ang mga motorsiklo.
Matatandaang naipasara pa noon ang opisina ng Angkas sa Makati dahil sa kakulangan ng mga kaukulang permit.
Dahil sa utos ng SC, mahigpit na ipinagbabawal ngayon ang pagpasada ng mga Angkas sa Maynila, Makati, Pasig, Pasay, San Juan, Taguig at ilang lugar sa Quezon City kung saan ito nag-o-operate.