Manila, Philippines – Bawal na sa lahat ng mga tanggapan ng gobyerno ang pagbili ng mga mamahaling sasakyan bilang service vehicles.
Kasunod na rin ito ng pinirmahang Administrative Order no. 14 ni Pangulong Duterte noong December 10, 2018 na nagtatakda ng centralized procurement system para makatipid sa mga gastos ng gobyerno.
Kaugnay nito, inaatasan ni Pangulong Duterte ang lahat ng ahensyang piliin ang pinaka-episyente, mura, matipid sa langis at environment-friendly na mga sasakyan.
Hindi na papayagan ang mga luxury vehicles gaya ng Asian Utility Vehicles (AUVs), Cross-Over Utility Vehicles (CUVs) at Multi-Purpose Vehicles (MPVs) na gumagamit ng gasolina at krudong ang makina ay lampas sa four cylinders.
Kasama rin sa ipinagbabawal ni Pangulong Duterte ang pagbili ng Sports Utility Vehicles (SUVs) na lampas sa 27000cc ang gamit na gasolina.
Pero hindi kasali sa mga ipinagbabawal ang mga sasakyang gamit ng presidente at bise presidente, mga donasyong sasakyan sa gobyerno at mga sasakyang ginagamit para sa mga bumibisitang foreign dignitaries at lahat ng mga sasakyang nabili na mula sa pondo ng kasalukuyang official development assistance programs.
Saklaw ng Administrative Order ang lahat ng mga pangunahing ahensya ng gobyerno sa ilalim ng ehekutibo, kasama na rin sa mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), Government Financial Institutions (GFIs), State Universities and Colleges (SUCs) at Local Government Units (LGUs).