Bawas-alokasyon sa tubig, ipatutupad ng MWSS kapag bumagsak sa 195 meters ang water level sa Angat Dam

Nagbabadyang magpatupad ng bawas-alokasyon sa tubig ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ngayong buwan.

Ito ay kung bababa pa sa 195 meters ang antas ng tubig sa Angat Dam pagsapit ng kalagitnaan ng Abril.

Kahapon, nasa 196.15 meters na lang ang water level sa Angat na nagsusuplay ng 90% na kailangang tubig ng Metro Manila.


Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ni MWSS Division Manager Patrick Dizon ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig.

“Atin po kasing binabantayan ‘no na hindi bumaba sa 195 meters yung ating elevation hanggang half of this month kasi kapag ganon ang mangyari, ay babawasan tayo ng allocation na nanggagaling sa Angat Dam which is yun naman po yung ayaw natin kasi kapag mangyari po yun ‘no ay magkakaroon talaga tayo ng water interruption,” ani Dizon sa panayam ng DZXL News.

Nagpapatupad na ang MWSS ng bawas-water pressure tuwing off peak hours o mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw upang makatipid sa tubig.

Pinangangambahan namang bumagsak pa sa minimum operating level na 180 meters ang water level sa Angat kung hindi pa rin uulan sa mga susunod na buwan.

“Ayon po sa ating projection, kung wala po talagang pag-uulan sa mga susunod na buwan ay aabutin natin itong 180 meters,” aniya.

“Pero ayon naman po sa forecast ng PAGASA, at least nagkakaroon na po tayo ng transition from El Niño to La Niña. Pagdating ng May or June naman po ay atin nang ma-e-experience yung mga pag-ulan,” dagdag ni Dizon.

Facebook Comments