Manila, Philippines – Inaasahang mababawasan ang gastos ng publiko sa paggamit ng mga kanilang mga cellphones dahil sa amyenda na ipinasok ni Senador Panfilo Lacson sa Senate Bill 1636 o Lifetime Cellphone Number Act.
Sa period of amendments, ipinadagdag ni Lacson ang probisyon na tanggalin na ang interconnectivity charges na ipinapataw sa mga cellphone users kung tatawag o magtetext ang mga ito sa Telecommunication Companies o TELCO na kalaban ng kanilang provider.
Tinukoy ni Lacson na sa ngayon ay may pataw na P2.50 ang tawag sa kalabang telco at 15 centavos naman kada text message.
Base aniya sa mga datus ng National Telecommunications Commission (NTC), dahil sa interconnectivity charges na naikarga sa local na tawag at text, noong 2016 lamang ay kumita ng tumataginting na P806.9 milyon ang mga telcos.
Agad namang sinang-ayunan ng sponsor ng naturang panukala na si Senador Sherwin Gatchalian ang probisyon na inilatag ni Lacson.