Ipapalathala na agad bukas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga dyaryo na pang-buong bansa ang board resolution na nagtatakda na ibalik sa nueve pesos mula sa umiiral na 10 pesos ang minimum fare sa jeepney sa Region 3,4 at sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra, magkakabisa ang fare rollback sa kalagitnaan ng buwan ng Disyembre.
Ang motu proprio rollback ay para sa unang apat na kilometro ng mga PUJ routes sa National Capital Region (NCR), Regions 3 at 4.
Aniya, pansamantala lamang ang rollback sa pamasahe at hindi na mangangailangan ng fare matrix.
Sinabi pa ni Delgra na inatasan sila ni DOTr Secretary Arthur Tugade na magpatupad ng motu propio fare rollback dulot ng sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.
Gayunman, tuloy pa rin naman bukas ang pagdinig ng ahensya sa petisyon ng mga consumer na ibalik sa otso pesos ang pasahe sa jeep.