Inihayag ng Energy Regulatory Commission (ERC) na inaasahan na ang bawas-singil sa kuryente sa loob ng tatlong buwan.
Ito ay dahil hindi maniningil ng Feed-in Tariff Allowance o Fit-All ang ERC.
Ayon sa ERC, ang Fit-All ay ang sinisingil sa lahat ng on-grid electricity consumers para sa developmental promotion ng renewable energy sa bansa.
Ibig sabihin halos apat na sentimo kada kilowatt hour ang mababawas sa singil sa kuryente simula December 2022 hanggang February 2023.
Paliwanag pa ng ERC, batid nila ang epekto ng tumataas na antas ng inflation at mataas na cost of living sa milyon-milyong pamilyang Pilipino.
Batay umano sa pagsisiyasat ng ERC sa Fit-All fund balance, sapat ang pondo para mabayaran ang mga requirement sa susunod na tatlong buwan.
Sa gitna nito, sinabi naman ng ERC na pag-aaralan nila kung kailangan palawigin pa ang suspensyon sa pagbabayad ng Fit-All bago matapos ang tatlong buwan.