Para maibsan ang tumitinding lagay ng trapiko at pagbaha sa lalawigan ng isusulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksiyon ng Tacloban-Palo Diversion Road Project sa 2019.
Ayon kay Director Nerie Bueno ng DPWH-Region 8, nakadisenyo ang proposed 2.87-kiometer, 4-lane road na magsisimula sa San Jose-Candahug Road sa Tacloban City hanggang Maharlika Highway sa Barangay Campetic, Palo, Leyte na tatawid sa Barangay ng Pawing para mabawasan ang vehicular traffic sa Maharlika Highway at maibsan ang pagbaha sa lugar.
Paliwanag ni Director Bueno, ang naturang proyekto ay magbibigay proteksyon din sa buhay at mga ari-arian sa mga nakatira sa mga Barangay sa Palo at Tacloban na madalas bahain dahil mayroon itong itatayong flood-control component na kinabibilangan ng anim na metrong lapad na kanal at double barrel cross drainage sa kada limampung metro.
Dagdag pa ng opisyal ang konstruksiyon ng malalaking drainage aniya ay para maibsan ang mga pagbaha sa mga Barangay ng Candahug, Pawing, at Campetic sa Palo,Leyte; at mga Barangay naman ng Caibaan, San Jose, Marasbaras, Manlurip, pati na sa V&G Subdivision at Imelda Subdivision sa Tacloban City.
Ang mga nabanggit na mga Barangay ay karaniwan nang nauuwi sa pagiging mala-ilog kapag tag-ulan at may bagyo at inaabot ng linggo bago humupa ang baha doon.
Giit pa ng opisyal, kapag natapos na ang Tacloban-Palo Diversion Road ay lalagyan din ito ng bike lanes, sidewalk, service road, solar street lights at road safety device components na nagpapasigla sa komersiyo sa lalawigan.
P2 bilyong pisong pondo ang kakailanganin ng DPWH para makumpleto ang proyekto.