Manila, Philippines – Isinusulong sa Senado ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Bill 1671 o “Bawas VAT” bill na naglalayong saluhin ang negatibong epekto ng Tax Reform For Acceleration And Inclusion (TRAIN) law sa mga bilihin.
Kung maaaprubahan ang nasabing panukala, bababa na lang ng 10 percent ang Value-Added Tax pagsapit ng January 1, 2019, na bababa pa sa 8 percent pagdating ng January 1, 2022.
Pero mangyayari lang ito kung aabot o lalampas sa 4.5 percent ng Gross Domestic Product ang maitatalang kita ng gobyerno mula sa VAT sa nakalipas na taon bago ipatupad ang kaltas.
Ayon kay Hontiveros – kahit sinabi ng gobyerno na magbibigay ng pangmatagalang tulong ang TRAIN, may malaking negatibong epekto pa rin ito sa mga may malalaking pamilya at mga indibidwal na kumikita nang mas mababa sa minimum wage.
Nais ng Senadora na ipantay ang tax system ng bansa sa ASEAN Region.
Sa ganitong paraan, makapagbibigay pa ito ng daan para mas ibaba pa ang VAT rate ng bansa para makamit ang full alignment sa ASEAN Norm na 8 percent.