Nilinaw ng Department of Science and Technology Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) na ang bawat ginagawang bakuna laban sa COVID-19 ay may iba’t ibang lebel ng efficacy at safety.
Ayon kay Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng DOST-PCHRD, may mga brand ng vaccine na mas epektibo para sa mga senior citizens habang may ibang brand na tatalab sa mga bata.
Aniya, nakadepende ito sa magiging resulta ng pre-clinical at clinical trial ng bawat bakuna.
Paliwanag pa ni Montoya, ang mga bakuna ay ikinokonsiderang ligtas na gamitin sa tao batay sa safety evaluation studies bilang bahagi ng clinical trials.
Mahalaga rin ang approval ng FDA bago gamitin ang mga bakuna.
Pagdating sa dosage, sinabi ni Montoya na depende ito sa bisa ng bakuna lalo na sa pagpapatibay ng immunity ng tao.
Tiniyak ng DOST sa publiko na mahusay na siyensya at ebidensya ang magiging batayan sa pagtukoy sa kung anong bakuna ang maaaring gamitin sa mga Pilipinas.