Cauayan City, Isabela – Itinalaga ngayong araw ang pagkakaloob ng mga bayad-pinsala sa mga magsasaka na nakapaneguro ng pananim sa Philippine Crop Insurance Corporation Region 2 (PCIC) sa Provincial Capitol of Isabela, City of Ilagan, Isabela.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Ginoong Romy Santos, Media Consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela matapos tamaan ng mga nagdaang bagyo ang kanilang mga pananim noong taong 2018.
Pangalawang batch anya ngayong araw sa pagbibigay ng indemnity sa 1024 na magsasaka na nakapaneguro sa PCIC sa programang BRO-PSP (Paneguro sa Pananim).
Ayon kay Ginoong Santos, nasa mahigit 3 Milyon pesos ang kabuuang bayad -pinsala na ibibigay sa mga magsasaka sa buong lalawigan ng Isabela.
Bukod dito, itinalaga rin ngayong araw ang pagbibigay ng allowances sa mga estudyanteng nakasama sa programang BRO Scholars ng Provincial Government of Isabela.
Mga residente anya ng mga bayan ng Gamu, Naguilian, Reina Mercedes ang nakatakdang makakuha ngayong araw sa Gamu Astrodome, Gamu, Isabela.
Samantala, matatanggap naman bukas ng mga BRO Scholars ang kanilang allowances sa bayan ng Cabagan, San Pablo, Sta. Maria at Sto. Tomas sa Cabagan Astrodome, Cabagan, Isabela habang sa Marso 8, 2019 ay mga BRO Scholars naman sa bayan ng Angadanan at Alicia na makukuha naman sa Angadanan Community Center, Angadanan, Isabela.
Nilinaw naman ni Ginoong Santos sa mga BRO Scholars na ang pagbibigay ng mga allowances ay per cluster o bayan at dapat kasama ang magulang o guardian sa araw ng release.