Bayad sa doktor ng mga mahihirap na pasyente, nais ng isang kongresista na sagutin ng PCSO

Iminungkahi ni House Appropriations Committee Chairman at AKO Bicol Rep. Zaldy Co na sagutin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang professional fees ng mga doktor na may pasyenteng mahihirap.

Inilahad ito ni Co sa budget hearing ng Kamara bilang solusyon sa hamon kaugnay sa pagpapatupad ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients Program o MAIPP na ipinapatupad ng Department of Health (DOH).

Binanggit ni Co na sa ilalim ng MAIPP program ay may guarantee letters mula sa DOH na sumasagot sa medical bills ng mga mahihirap na pasyente pero ang problema ayaw ng mga doktor na maghintay ng 30 days para sa kanilang professional fees at nais nila ay makuha ito agad ng cash.


Kasama rin sa mungkahi ni Co ang paggamit ng PCSO ng corporate credit card para mapabilis ang proseso ng pagbabayad sa mga ospital sa mga pagkakataon na hindi agad makakapaglabas ng pera o tseke ang ahensya.

Bukas naman ang PCSO sa mga mungkahi ni Co at aminado sila na kailangan talagang mapag-ibayo ang serbisyong medikal ng pamahalaan sa mga kapus-palad nating kababayan.

Facebook Comments