Bayad sa hospital claims, pinamamadali ni PBBM sa DOH

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Health (DOH) na ayusin ang mga dokumento at proseso kaugnay ng mga hindi pa nababayarang hospital claims.

Ginawa ng Pangulo ang direktiba matapos maiparating sa kanya ang ulat na may umaabot sa bilyong pisong pondo ng ahensya ang hindi nagamit o hindi napangasiwaang maayos, bunsod ng pagkaantala ng bayad sa hospital claims at mga isyu sa pamamahala ng medical supplies, kabilang ang mga gamot na napaso na.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tiniyak ng DOH na inaayos na ang kanilang mga records at daloy ng trabaho.

Isa aniya sa mga dahilan ng pagkaantala ay ang hindi agad na pagsusumite ng kumpletong dokumento ng ilang ospital na kinakailangan upang maiproseso ang kanilang claims.

Dahil dito, iniutos ni Pangulong Marcos na palawigin ng 120 araw ang processing period upang mabigyan ng dagdag na panahon ang mga ospital na makapagsumite ng kumpletong requirements.

Tiniyak naman ng DOH na agad na babayaran ang claims ng mga ospital sa sandaling makumpleto ang lahat ng kinakailangang dokumento.

Facebook Comments