Bayad sa paggamit ng beep card sa EDSA busway, nais munang ipa-wave ng DOTr

Photo Courtesy: Spot PH

Nais ng Department of Transportation (DOTr) na gawing libre para sa Metro Manila commuters ang paggamit ng stored value cards sa EDSA busway.

Kasunod ito ng mga reklamo hinggil sa pagtataas ng presyo ng beep card.

Ayon kay DOTr Consultant Alberto Suansing, umaasa siyang mareresolba ang isyu sa gagawin nilang pulong ng AF Payments Inc. (AFPI) ngayong araw.


Ang AFPI, na consortium ng Ayala Group at First Pacific Group ay ang kompanyang nasa likod ng nasabing tap-and-go cards.

Iaapela nila sa kompanya na ibigay na lang nang libre ang beep cards na nagkakahalaga ngayon ng P80 mula sa dating presyo nito na P50.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOTr Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na malaking tulong ito para makabawas sa pasanin ng mga pasahero ngayong panahon ng pandemya.

Kasabay nito, nilinaw rin ni Libiran na walang iniendorsong kahit anong AFPI system ang DOTr.

“Wala tayong ineendorso na kahit anong AFPI system. Lahat po ng automatic fare collection system, welcome ‘yan but depende ‘yan sa negotiations at pakikipag-usap nila sa operators dahil ‘yong mga PUV operators po ang nagde-decide kung ano pong automatic fare collection system ‘yong gugustuhin nila para dun sa operatios nila,” ani Libiran.

Kahapon nang simulang ipatupad ang “No Beep Card, No Ride” policy sa mga bus na bumabiyahe sa kahabaan ng EDSA busway bilang karagdagang safety measures sa gitna ng banta ng COVID-19.

Facebook Comments