Bayad sa pagkuha ng quarantine passports sa Bureau of Quarantine, ipinare-refund

Ipinababalik sa publiko ang ibinayad para sa pagkuha ng COVID-19 quarantine passports sa ilalim ng Bureau of Quarantine (BoQ).

Natuklasan kasi sa pagdinig kamakailan ng Committee on Overseas Welfare na pinamumunuan ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza na wala palang pinansyal na kapasidad ang remittance firm na PisoPay nang pumasok ito sa kontrata sa ahensya.

Tinukoy ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Jericho Nograles na “patently illegal” ang kontrata ng PisoPay para mag-facilitate ng booking at online payment collection system sa pagkuha ng quarantine passports.


Maging ang printing sa mga quarantine passport ay ipinare-refund din ng mambabatas.

Bukod sa BoQ, kulang din sa kinakailangang requirement ang PisoPay sa pinasok na kasunduan para sa online payment transactions sa pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Maritime Industry Authority (MARINA).

Dahil dito ay ipinatitigil ng mambabatas ang iba pang kasunduan ng nasabing remittance firm sa ibang ahensya ng gobyerno dahil sa kawalan ng legal, financial at technical capability para makakuha ng kontrata sa pamahalaan salig na rin sa Government Procurement Act.

Facebook Comments