Bayad-utang sa utility bills, palalawigin ng ‘Bayanihan 2’

Binibigyan ng palugit na tatlumpung araw ang mga may bayarin sa utility bills sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa ipinasok na probisyon ni Senador Sherwin Gatchalian sa Bayanihan 2, ay may tatlumpung araw na moratorium sa pagbabayad ng utility bills, tulad ng kuryente at tubig, ang mga nakatira sa lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Ayon kay Gatchalian, hindi na rin muna pababayaran ang interes sa bill, penalties, at iba pang dagdag singilin o charges sa loob ng tatlumpung araw habang naka-ECQ o MECQ ang isang lugar.


Sinabi ni Gatchalian, pagkatapos ng 30-day grace period ay pinapahintulutan din ng Bayanihan 2 ang residential users, Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs), at mga kooperatiba na magbayad ng pautay-utay sa loob ng tatlong buwan.

Diin ni Gatchalian, malaking bagay ang ‘Bayanihan 2’ para mabawasan ang alalahanin sa mga buwanang gastusin at makakatulong sa unti-unting pagbangon lalo na sa mga Pilipinong nawalan ng hanapbuhay o nabawasan ang kita dahil sa pandemya.

Facebook Comments