Manila, Philippines – Dahil sa sunod-sunod na yellow alert sa suplay ng kuryente, nanawagan na ang grupong Bayan Muna kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipasiyasat sa mga ‘regulatory bodies’ at ipa-review sa kinauukulang ahensiya ang lahat ng Power Supply Agreement o PSA na pinasok ng mga power utilities.
Ayon kay House Deputy Minority leader at Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, dapat silipin ng Pangulo kung hindi dehado ang mga consumers ang mga power deals.
Reaksyon ito ni Zarate sa sunod-sunod na pagkakalagay ng Luzon grid sa yellow’ alert.
Aniya, posibleng gamitin na namang dahilan ang mga nasirang mga power plants para makapagtaas ng singil sa kuryente.
Dapat aniyang unahin ng Pangulo ang pitong midnight deal PSAs ng mga Meralco-related companies, partikular ang Atimonan One Power Plant.
Nagbabala ang kongresista na ang P15 billion na additional cost sa konstruksiyon ng Atimonan One Energy Inc. kasama na ang interest sa pautang at mga biniling imported equipment ay pwedeng mauwi sa P1.80 per KWH na dagdag sa capacity cost.
Malamang aniya na sa bandang huli ay consumer din ang pumasan sa P1.80 per kilowatt-hour dahil posibleng ipasa ito ng Meralco sa power bill.