Bayan Muna, naghain ng motion for reconsideration sa Supreme Court laban sa power rate hike ng Meralco

Dumulog sa Korte Suprema ang Makabayan Bloc para tangkain na mapigilan ang sinasabing pinaka-mataas na “power rate hike” sa kasaysayan.

Personal na inihain ni dating Bayan Muna Partlist Rep. Carlos Isagani Zarate ang motion for reconsideration sa Supreme Court ngayong araw.

Nabatid na nais ng Bayan Muna na hilingin na ibasura ang naunang desisyon nito noong August 2021 na pagtibayin ang kautusan ng Energy Regulatory Commission o ERC ukol sa dagdag-singil ng Manila Electric Company o Meralco.


Matatandaan na na base sa Korte Suprema, hindi nakitaan ang ERC ng “grave abuse of discretion” nang payagan nito ang Meralco noong 2013 para sa power rate increase na higit sa P22 billion na generation o recovery cost.

Pero ayon kay Zarate, marapat na tingnang muli ang naging ruling na ito ng Korte Suprema dahil nakasalalay dito ang interes ng milyong-milyong electric consumers na tatamaan ng pinaka-mataas na dagdag-singil.

Aniya, karmaihan sa mga Pilipino sa ngayon ay lubog na lubog pa rin sa mataas na presyo ng langis, bilihin at iba pang serbisyo sa gitna na rin ng nararanasang COVID-19 pandemic.

Babala ni Zarate, hindi na kakayanin pa ng publiko ang dagdag na singil sa kuryente kaya nakikiusap sila sa mga mahistrado na muling mabusisi ang desisyon.

Facebook Comments