Bayan Muna, pinapipigil sa Korte Suprema ang lutong bidding ng Meralco

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema sina Bayan Muna Chairman Neri Colmenares at Representative Carlos Zarate laban sa Meralco dahil sa pagmamanipula umano ng ‘bidding’ na pabor sa kanilang kumpanya.

Hiniling nila sa Supreme Court (SC) na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) sa umano’y lutong bidding sa pangambang magiging sobra-sobra ang pagtaas ng konsumo sa kuryente kung papayagan ito.

Kasunod ito ng pag-iisyu ng Department of Energy (DOE)  ng bagong circular na pag-uulit lamang sa lumang circular na nagpapahintulot sa independent third party na pangasiwaan ang proseso sa  bidding ng Meralco.


Umaasa  sila Colmenares at Zarate na agad na magpapalabas ng TRO ang mataas na hukuman laban sa bidding na sinimulan kahapon September 9 hanggang 11 para sa 1200 MW Atimonan project at 1,700 MW projects.

Ipinagtataka naman ni Zarate kung bakit nagkaroon ng kapangyarihan ang DOE na imonitor ang ‘Meralco bidding  process’ at protektahan ang interes ng konsyumer sa Meralco dealings.

Nabatid na kabilang sa kinasuhan ang DOE at iba pang  Distribution Utilities (DUs) na nagsasagawa ng ‘Competitive Selection Process’ (CSP).

Facebook Comments