Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, naghain ng reklamo sa Ombudsman laban kay Major Gen. Antonio Parlade Jr.

Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate laban kay Southern Luzon Command Chief Major General Antonio Parlade Jr., kaugnay sa red-tagging sa mga progresibong grupo at partisan political activity na kinasasangkutan nito.

Sa 32 pahinang verified complaint, hiniling ni Zarate sa Ombudsman na suspendihin si Parlade sa posisyon habang ongoing ang imbestigasyon laban dito.

Pinakakasuhan din ng Bayan Muna ang opisyal ng paglabag sa Section 3 (e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Section 55 (Political Activity) Chapter 7 ng Administrative Code of 1987.


Nanawagan din si Zarate na agad sibakin sa public office ang military general sa oras na mapatunayan ang mga alegasyon laban dito.

Tinukoy ng kongresista na noong 2019 election ay direktang inakusahan ang buong Makabayan Partylists bilang “communist fronts”, mga rebelde at mga terorista.

Ang pronouncement at pag-uugnay umano sa kanila ni Parlade sa mga terorista ay nakaapekto sa kanilang imahe at pagkatao.

Facebook Comments