Bayan ng Benito Soliven, Nakapagtala na ng Kaso ng COVID-19

Cauayan City, Isabela- Nagkaroon na ng kauna-unahang kaso ng COVID-19 ang bayan ng Benito Soliven matapos itong kumpirmahin ni Mayor Roberto Lungan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Lungan, ang pasyente ay isang 20 taong gulang na babae na galing sa Antipolo, Rizal at kabilang sa mga Locally Stranded Individuals (LSI’s) na sinundo ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng Balik Probinsya program.

Habang nasa byahe ang pasyente ay nakaramdam ito ng sorethroat at lagnat.


Nang dumating ang pasyente sa bayan ng Cordon, Isabela noong July 16, 2020 ay isinailalim ito sa rapid test kung saan siya ay nagpositibo.

Agad itong idineretso sa isolation facility ng Benito Soliven at kinuhanan ng swab sample at siya ay positibo sa Severe Acute Respiratory Syndrome Coronavirus 2 (*SARS*-*CoV*-2) o halos kapareho lamang ng sakit na Coronavirus Disease (COVID-19).

Ayon kay Mayor Lungan, ipapasailalim pa rin nito sa swab test ang nanay ng pasyente dahil ito lamang umano ang naging close contact nito na kahit wala umanong nararamdamang sintomas ng sakit ang nanay.

Asymptomatic na rin aniya sa ngayon ang pasyente dahil wala na itong lagnat o nararamdamang sakit.

Hindi na rin dadalhin sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City ang pasyente dahil maayos na ang kalagayan nito at naka isolate na rin sa pasilidad ng LGU Benito Soliven.

Mensahe ng alkalde sa mga kababayan nito na walang dapat ipangamba dahil hindi aniya nakauwi sa kanilang bahay ang pasyente kundi idineretso ito sa kanilang isolation facility.

Facebook Comments