Cauayan City, Isabela- Isinailalim sa State of Calamity ang buong bayan ng Claveria, Cagayan bunsod ng iniwang pinsala na nagresulta ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa ng nagdaang Bagyong Quinta.
Ito ay batay sa inilabas na resolution no.163 s, 2020 na nilagdaan ng konseho ng claveria.
Ayon kay Jayson Sacro, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer, nakakaranas pa rin ng panaka-nakang pag-uulan ang bayan kung kaya’t patuloy na inaabisuhan ang lahat ng mga residente sa lugar.
Batay sa datos ng MDRRMO, umabot sa kabuuang P6,152,050 ang iniwang pinsala sa sektor ng imprastraktura; rice ay P22,387,661.50 habang sa tanim na mais at iba pang crops product ay umabot ng P940,770.00.
Naitala rin ang pinsala sa mga palaisdaan na umabot sa P2,227,424.24 at livestock na pumalo sa P1,216,525.00.
Bukod dito, nananatili pa ring hindi madaanan ng ilang malalaking sasakyan ang ilang kalsada partikular sa Brgy. D. Leaño makaraang gumuho ang kabilang linya ng daan dahil sa pag-uulan.
Ayon pa sa opisyal, tinatayang nasa mahigit 5,000 pamilya o 21,000 indibidwal ang apektado ng kalamidad.
Patuloy naman ang isinasagawang monitoring ng lokal na pamahalaan sa lahat ng lugar sa bayan upang masigurong ligtas ang mga residente sa sakuna.