
Cauayan City – Napamahagian ng bagong ambulansya ang bayan ng Echague, Isabela mula sa Cagayan Valley Center for Health Development (CVCHD).
Pinangunahan ang turnover ceremony nina Regional Director Dr. Amelita Pangilinan, OIC-Assistant Regional Director Mr. Domingo K. Lavadia, at Engr. Victorino Maningas mula sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Ayon sa CVCHD, natanggap na ng nasabing bayan ang mga ambulansya matapos makumpleto ang mga dokumento at lisensya na itinakda ng Regulation and Licensing Enforcement Division (RLED).
Bahagi ito ng kanilang patuloy na suporta sa mga lokal na pamahalaan para sa mas epektibong serbisyo sa kalusugan.
Layunin ng inisyatibong ito na palakasin ang emergency response ng bayan at masigurong may sapat na transportasyong medikal para sa mga nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Inaasahang makatutulong ito sa mas mabilis na pagdadala ng pasyente sa mga ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan.
Nagpasalamat naman ang mga kinatawan mula sa Echague, Isabela sa bagong ambulansyang ipinagkaloob ng CVCHD.









