*Cauayan City, Isabela- *Isasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) Phase 3 bukas, Hunyo 15, 2020 ang buong bayan ng Echague, Isabela.
Ito ang inihayag ni Mayor Francis ‘Kiko’ Dy sa kanyang Facebook live ngayong araw na kung saan ay lalo pang hihigpitan ang pagbabantay sa mga nakalatag na checkpoints partikular sa National Highway.
Ayon sa alkalde, nagbigay ito ng kautusan na dapat ay bente kwatro oras ang pagbabantay sa mga checkpoints upang walang makalusot na papasok at lalabas sa kanilang bayan.
Paalala naman nito sa mga dadaan sa bayan ng Echague na kinakailangang magpakita ng travel pass mula sa municipal/City mayor at dapat nakalagay sa travel pass ang pangalan ng pasahero.
Iginiit nito na hindi nila padadaanin ang sinumang bibyahe na walang travel pass bilang bahagi ng kanilang pinahigpit na protocol.
May ilang lansangan na rin aniya ang kanyang ipinasara at kung maaari ay dumaan muna sa mga alternatibong ruta kung pupunta sa mga karatig bayan.
Para naman sa mga uuwi sa bayan ng echague mula sa mga lugar na may kaso ng COVID-19 ay isasailalim sa 21-day mandatory quarantine sa mga quarantine facilities habang ang mga manggagaling sa lugar na COVID-19 free ay sasailalim naman sa 14-days home quarantine na babantayan ng mga barangay officials.
Paalala naman nito sa kanyang mga kababayan na sumunod sa mga ipinatutupad na protocols gaya ng wastong pagsusuot ng facemask.