Posibleng isailalim na sa Commission on Elections o COMELEC Control ang munisipyo ng Malabang sa Lanao del Sur matapos ang naging pamamaril ng isang tauhan ng LGU official sa lugar, noong Sabado sa paghahain ng certificate of candidacy (COC).
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nakatakda itong pagdesisyunan ng COMELEC En Banc sa lalong madaling panahon.
Natukoy na rin aniya ng Comelec kung sino ang nagpaputok ng baril at pinag-aapply na ng komisyon ng warrant of arrest ang Philippine National Police (PNP).
Bukod dito, kakasuhan din ng COMELEC ng paglabag sa gun ban, illegal discharge of firearms, at alarm and scandal ang nagpaputok ng baril gayundin ang mga politikong nasangkot sa pagpigil ng COC filing.
Samantala, sinabi naman ni Garcia na naging “generally peaceful” ang naging paghahain ng COC sa National Capital Region (NCR).
Magsisimula na rin ang poll body sa kanilang Operation Baklas ng mga election paraphernalia.