*Palanan, Isabela-* Pinaghahandaan na ngayon ng bayan ng Palanan bilang isa sa mga coastal towns ng Isabela ang pagdating ng bagyong Rosita dito sa ating Lalawigan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Palanan Mayor Elizabeth Ochoa, Nagsagawa na umano sila ng emergency meeting kahapon hinggil sa kanilang paghahanda para sa pagtama ng bagyong Rosita at dahil na rin sa posibleng magkaroon ng Storm Surge sa naturang bayan base na rin sa pagtaya ng PAGASA.
Kaugnay nito ay nakatakda ring magpatupad ngayong araw ng Force Evacuation ang alkalde katuwang ang NDRRMC, DSWD at PNP sa lahat ng mga residente na nasa tabing dagat.
Nagbigay na rin ng direktiba ang alkalde sa lahat ng mga brgy Captain upang magbigay paalala sa kanilang mga nasasakupang lugar upang mapaghandaan ang pagdating ng bagyo.
Nakahanda na rin umano ang kanilang mga gagamiting evaccuation centers na eskwelahan para sa lahat ng mga lilikas.
Pinaalalahanan naman ng alkalde ang kanyang mga kababayan lalo na sa mga nasa malapit sa dagat at sa mga lugar na madalas gumuho na huwag ng mag-atubiling lumikas at paghandaan ang pagbayo ng bagyong Rosita.