Cauayan City, Isabela- Tuluyan ng idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-RO2) ang Bayan ng San Mariano bilang ‘DRUG CLEARED MUNICIPALITY’ matapos maipasa ang evaluation ng oversight committee ng nasabing ahensya.
Ayon kay PCpt. Ericson Aniag, hepe ng San Mariano Police Station, sa kabila ng deklarasyon ng ahensya ay patuloy pa rin ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa kanilang nasasakupan para matiyak ang hindi na muling pagkakaroon ng iligal droga sa bayan.
Sinabi pa ni Aniag, titiyakin nilang namomonitor ang mga drug surrenderee upang masiguro ang hindi pagbalik ng mga ito sa iligal na gawain.
Binigyang diin pa ng hepe na ang mga bayan na naidedeklarang ‘drug cleared’ ay kalimitang dinarayo ng mga nagbabalak na muling magsagawa ng iligal na aktibidad.
Bagama’t naideklara na ang bayan ay mas paiigtingan pa ng kapulisan ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Batay sa Resolution no. 702, 36 na barangay ang nakapagsumite ng kinakailangang dokumento na kinailangan ng Dangerous Drugs Board.