SAN NICOLAS, PANGASINAN – Sa naging pagpupulong ng local COVID-19 Task Force ng San Nicolas ay napagkasunduan ng mga ito na ipatupad sa bayan ang mini-lockdown bilang bahagi ng kanilang paghihigpit sa mga ipinatutupad na alituntunin na may kaugnayan sa mga naitatalang kaso ng COVID-19.
Bago pa ito ipinatupad ay inikot ng alkalde ang pamilihang bayan at inayos ang implementasyon ng bagong panuntunan nito.
Batay sa pagpapatupad ng naturang mini-lockdown, ang mga magpupuntang kababayan sa pampublikong pamilihan ay mayroon lamang iisang entry at exit points kung saan nakatalaga ang handwashing o sanitizing areas.
Para naman masigurong hindi dadagsain ang pamilihan, nagpatupad na rin ng market schedule ang naturang bayan.
Sa araw ng Lunes at Huwebes ang barangay San Felipe East, San Felipe West, Malilion, Cabuluan, Calanutian, Camindoroan, Camangaan, Sto. Tomas (Centro), Salpad, Bensican, at San Isidro. Habang sa Martes at Biyernes ang Nagkaysa, Casaratan, Poblacion East, Poblacion West, San Jose, Siblot, Nining, Sobol, at San Roque.
Sa araw ng Miyerkules at Sabado para sa mga barangay Sta. Maria East, Sta. Maria West, Cabitnongan, Cacabugaoan, Calaocan, Malico, San Rafael Centro, San Rafael East, San Rafael West, Dalumpinas, Lungao, Salingcob, at Fianza.
Ang pinakabagong schedule ay magbibigay daan naman sa MDRRMO Disinfection Team upang maisara ito sa araw ng Linggo para sa malawakang disinfection.
Samantala, ipinaalala din sa mga barangay at bawat checkpoints sa paghahanda ng mga ito sa sakaling humigpit ang umiiral na protocols sa panahon ng pandemya.