Cauayan City – Pinaghahandaan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Tumauini, Isabela ang posibleng maging epekto ni bagyong Leon sa kanilang lugar.
Sa pangunguna ni Municipal Mayor Venus T. Bautista, nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment Meeting kahapon, ika-28 ng Oktubre kasama ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, municipal officials, kinatawan ng national government agencies, at iba’t-ibang Civil Society Organizations.
Layunin ng pagpupulong na ito na talakayin ang gagawing paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo lalo pa’t katatapos lamang ng paghagupit ni bagyong Kristine sa buong lalawigan at mga karatig lugar.
Sa pangunguna ng MDRRMC katuwang ang PNP, BFP, Rescue 811, at Barangay DRRMC ng 46 na barangay sa Tumauini, nakaalerto na sila sa posibleng pagdating ng bagyong Leon.
Maliban rito, kanila na ring pinag-usapan ang gagawing pagbabantay para sa Oplan Kaluluwa para sa paparating na paggunita ng Undas.