Manila, Philippines – Inihahanda na ang posthumous award para kay PO3 Wilfredo Gueta, ang pulis Pasig City na napatay sa isinagawang operasyon kontra iligal na droga kahapon.
Ayon kay PO3 Catherine Deligente ng EPD PIO, ito ay bilang pagkilala sa ipinamalas na kabayanihan ni Gueta na napatay matapos makabarilan ang napatay rin na drug suspek na si Roberto Llaguno sa Katarungan St., Barangay Caniogan, Pasig City.
Pinasok ng team ni Gueta ang lugar matapos makakuha ng impormasyon na nananatili roon si Llaguno na kilalang sangkot sa droga.
Hinabol ni Gueta ang suspek hanggang sa makarating ito sa tinutuluyang bahay at makakuha ng baril.
Nagkapalitan ng putok hanggang sa matamaan si Gueta ng dalawang beses sa dibdib.
Ang parangal para kay Gueta ay pagkilala rin sa dedikasyon nito pagsugpo sa problema sa droga at sa sinumpaang serbisyo.