Bayanihan 2 at 3, tatalakayin sa pulong ngayong araw ng Kongreso sa Malakanyang

Magpupulong ngayong araw sa Malakanyang ang mga myembro ng Kamara at Senado kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Majority Leader Martin Romualdez, kabilang sa mga inaasahang tatalakayin sa pulong ay ang isinusulong na pagpapalawig pa ng Bayanihan 2 Law.

Nagpahayag naman si Romualdez ng kahandaan ng Kamara na aksyunan ang anumang inisyatibo o panukala para sa extension ng Bayanihan 2, na nakatakdang mag-expire sa June 30, 2021.


Samantala, sinabi naman ni Ways and Means Chairman Joey Salceda na bukod sa Bayanihan 2 ay inaasahang pag-uusapan din sa pulong sa Palasyo ang panukalang Bayanihan 3 na nagsusulong ng dagdag-ayuda para sa mga Pilipino at sektor na apektado pa rin ng COVID-19 pandemic.

Dagdag pa ni Salceda, posibleng pagsabayin na ang pagtalakay sa Bayanihan 2 extension at Bayanihan 3 bill kung magkakaroon ng special session ang dalawang Kapulungan ng Kongreso.

Facebook Comments