Bayanihan 2, pirmado na ni Pangulong Duterte

Photo Courtesy: Presidential Communications Operations Office

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas ang Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2).

Sa ilalim ng Bayanihan 2, maglalaan ng ₱165.5 bilyon na pondo para palakasin ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Mula sa nasabing pondo, ₱140 bilyon ay magmumula sa regular appropriation na may ₱25.5 bilyon na standby funds.


Inaasahang popondohan ng Bayanihan 2 ang ilang programa ng pamahalaan tulad ng pagpapabuti ng healthcare resources, cash-for-work program, agriculture support, pagbibigay ng assistance sa mga industriyang pinadapa ng pandemya at pambili ng COVID-19 vaccines.

Sa statement, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinasasalamatan nila ang Kongreso sa pagpasa sa Bayanihan 2.

Ikinokonsidera nilang crucial ang Bayanihan 2 lalo na sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya, pagsuporta sa mga negosyo kasabay ng pagpapatibay ng health sector partikular sa kapasidad nito at pagtugon sa pandemya.

Ang malaking bulto ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 ay mapupunta sa government financial institutions na nasa ₱39.472 bilyon.

Nasa ₱24 bilyon ay gagamitin bilang assistance sa agriculture sector habang ₱13.5 bilyon ay ilalaan sa emergency hiring ng healthcare workers.

Nasa ₱13 bilyon ang ilalaan para sa pagpapatupad ng cash-for-work program at iba pang support programs at ₱9.5 bilyon para sa transportation sector.

Ilalaan ang ₱6 bilyon sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ₱4 bilyon sa alternative learning program ng Department of Education (DepEd), at ₱4.10 bilyon para sa tourism industry.

Itatabi ang ₱5 bilyon para sa hiring ng contact tracers, ₱4.5 bilyon para sa pagtatayo ng quarantine at isolation facilities dormitories para sa frontliners at pagpapalawak ng government hospital capacity, at ₱3 bilyon para sa pabili ng face masks, Personal Protection Equipment (PPE) sets at face shields.

Nasa ₱4.5 bilyon ang ilalaan sa construction at maintenance ng isolation facilities, kabilang ang billing ng mga hotels, food at transportation sa ilalim ng COVID response program.

Naglaan din ng ₱3 bilyon para sa State Universities and Colleges (SUCs) lalo na sa pag-develop ng smart campuses, ₱1 bilyon scholarship funds ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ₱600 milyon para sa subsidies at allowances ng mga kwalipikadong estudyante, ₱300 milyon para sa subsidies and allowances ng displaced teaching at non-teaching personnel at ₱100 milyon para sa training at subsidies ng tourist guides.

Nasa ₱1.5 bilyon ang nakalaan para tulungan ang Local Government Units (LGUs), ₱820 milyon para tulungan ang mga apektadong Overseas Filipino Workers (OFWs), ₱180 milyon para sa pagbibigay ng allowance sa mga national athletes at coaches, ₱15 milyon para sa pagtatatag ng research facility sa University of the Philippines Diliman, ₱10 milyon para sa COVID-19 research, ₱2.5 milyon para sa pagsasagawa ng computer based licensure examinations sa ilalim ng Professional Regulatory Commission (PRC).

Kabilang sa standby fund ang paglalaan ng ₱10 bilyon para sa COVID testing at pagbili ng gamot at bakuna.

Facebook Comments