Bayanihan 2 sa Kamara, lusot na sa ikalawang pagbasa

Lusot na sa ikalawang pagbasa ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 sa Kamara.

Sa viva voce voting ay pumasa ang House Bill 6953 na siyang supplement measure at ikalawang stimulus package para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng Bayanihan 2 ay mayroong P162 billion na standby fund sa Setyembre na maaaring gamitin hanggang sa Disyembre, na mas mataas kumpara sa P140 billion standby fund ng Senado.


Ilalaan ang halagang ito para sa emergency subsidy sa mga displaced workers, cash-for-work programs, prevention and control para sa COVID-19, support programs para sa mga apektadong sektor at sa agricultural sector.

Bibigyang direktiba rin ang mga government financial institutions na magbigay ng pautang, subsidiya, diskwento at iba pang grants para sa pagbili ng electronic gadgets na kakailanganin ng mga guro at estudyante sa ilalim ng distance at blended learning.

Magkakaloob din ng tuition subsidy para sa mga estudyante na hindi nakakatanggap ng educational subsidy mula sa gobyerno at nahaharap sa financial crisis.

Samantala, inaasahang sa susunod na linggo ay tuluyan na itong maipapasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan.

Facebook Comments