Nais makatiyak ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez na hindi magagamit ang pamamahagi ng ayuda sa Bayanihan 3 sa 2022 national election.
Dahil dito ay hiniling ni Rodriguez na amyendahan ang probisyon hinggil sa paraan ng pagkakaloob ng financial aid sa ilalim ng Bayanihan 3 na siya namang sinang-ayunan ni Economic Affairs Committee Chairman Sharon Garin.
Sa joint hearing ng House Committee on Economic Affairs at Social Services ukol sa Bayanihan 3 bill, tinukoy ni Rodriguez ang Section 6 o paraan ng pamamahagi ng ₱1,000 na “Ayuda to All Filipinos” na dalawang beses ipamamahagi kung saan ang local government units ay gagamit ng digital payments.
Nababahala ang mambabatas na magamit ang listahan o partikular na data para sa digital payments ng ilang mga local official upang gawing election money sa halalan ng susunod na taon.
Giit ni Rodriguez, hindi siya makakapayag na gamitin sa pamumulitika o maabuso ang Bayanihan 3.
Bunsod nito ay inirekomenda ng kongresista na ang national agencies pa rin ang manguna sa pamimigay ng ayuda nang sa gayon ay may oversight function pa rin ang Kongreso sa kanila at mamo-monitor ng maigi ang pamamahagi ng cash aid.