Nabuhayan ng loob si Marikina Rep. Stella Quimbo sa naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kakailanganin ng Bayanihan 3 sakaling mauwi ulit sa mas mahigpit na community quarantine ang patuloy na pagtaas sa kaso ng COVID-19.
Dahil dito, umaasa si Quimbo na hindi na hihintayin pa ng pamahalaan na magpatupad muli ng total lockdown bago suportahan ang Bayanihan 3.
Paliwanag ni Quimbo, muling nagdulot ng takot ang pag-akyat ng COVID-19 cases na lalo pang nagpabagal sa takbo ng ekonomiya.
Handa naman aniya ang Kamara na agad pagtibayin ang ₱420 billion Bayanihan 3 bago ang nakatakdang break ng Kongreso, kung masesertipikahan ito bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa kasalukuyan ay tinatalakay pa rin ito sa Committee on Economic Affairs.