Bayanihan 3, lusot na sa dalawang komite ng Kamara

87

Posibleng maiakyat na sa plenaryo ng Kamara ang Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3 matapos makalusot sa joint hearing ng Committees on Economic Affairs at Social Services.

Ang isinusulong na Bayanihan 3 ay maglalaman ng P405.6 billion na pondo.

Ang Bayanihan 3 ay magsisilbing lifeline na tutugon sa kahirapan at kagutuman ng mga Pilipino na apektado ng COVID-19 pandemic gayundin ng mga industriyang naghihingalo dahil sa krisis.


Hahatiin sa tatlong phase ang pagrerelease ng pondo sa Bayanihan 3, P167 billion sa unang phase, P196 billion sa ikalawang phase, at P42.6 billion sa ikatlong phase depende sa revenue performance ng bansa.

Batay sa inaprubahang Bayanihan 3 sa joint hearing ito ay naglalaman ng P216 billion na ayuda sa mga Pilipino, P30 billion para sa wage subisidies, P25 billion sa Assistance to Displaced/Disadvantaged Workers ng Department of Labor and Employment (DOLE), P30 billion sa Agri-fishery sector at P9 billion para sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).

Inaasahan na sa pagbabalik ng sesyon sa May 17 ay maisasalang na ang Bayanihan 3 sa plenaryo.



Inirerekomenda naman sa komite ni Ways and Means Chairman Joey Salceda na paghugutan ng pondo ang mga ‘obese’ na government-owned and controlled corporations (GOCCs) at iba pang tax measures.

Ilan pa sa mga posibleng paghugutan ng pondo ay ang POGO Tax at E-Sabong na kapwa magbibigay ng P15 billion at P5 billion na funding resource sa oras na maaprubahan ito.


Facebook Comments