Bayanihan 3, malaki ang maitutulong sa ekonomiya at social relief ng mga Pilipino

Naniniwala ang mga kongresistang nagsusulong ng Bayanihan 3 sa Kamara na malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya at “social relief” sa mga Pilipinong nasapul ng COVID-19 pandemic.

Bunsod ito ng pag-apruba ng tatlong komite ng Kamara sa Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3.

Ayon kay Social Services Committee Chairman Alfred Vargas, sa pamamagitan ng Bayanihan 3 ay maisusulong ang panibagong sigla sa ekonomiya ng bansa habang tinutulungan ang publiko na unti-unting makaahon sa hirap ng pandemya.


Ibinida ng kongresista ang isinusulong na alokasyon para sa medical assistance sa mga mahihirap; libreng swab test sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), pondo para sa pension and gratuity ng military at iba pang uniformed personnel; at budget para sa Information Technology (IT) na programa ng Department of Education (DepEd).

Ang Bayanihan 3 na may pondong ₱405.6 billion ay magsisilbing lifeline na siyang tutugon sa mga mahihirap, mga manggagawa at mga industriyang apektado ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments