Muling ipinarerekonsidera ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa mga economic managers ang panukalang Bayanihan 3 na nakabinbin sa Kongreso.
Ginawa ito ni Quimbo, na isa ring ekonomista, matapos na maitala ang – 9.5% contraction sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa noong 2020.
Iginiit ni Quimbo na sa gitna ng malaking pagbagsak ng kita at pagtaas ng presyo ng pagkain ay kailangan na magkaroon pa ulit ng bagong stimulus package.
Sa kanyang bersyon ng Bayanihan 3, ₱400 billion ang kailangan na ilaan ng gobyerno, kung saan ₱330 billion dito ay para sa COVID-19 response at ₱70 billion naman sa disaster response.
Kasama sa ₱330 billion ang dagdag na pondo para sa COVID-19 vaccines dahil kulang pa rin aniya ang ₱82.5 billion na inilaang budget ngayong taon para mabakunahan ang 70 milyong Pilipino.
Bukod dito ay pinabibigyan din ng ayuda ang mga pamilya, mga maliliit na negosyo at mga magsasaka na nakakaranas ng matinding pinsala sa pandemya.
Dagdag pa ni Quimbo, nabatid pa na ang Pilipinas ang may pinakamababang ginagastos na pera sa ASEAN region pagdating sa COVID-19 response, bagay na dapat baguhin upang sa gayon ay makabangon muli ang ekonomiya.